Thursday, November 12, 2009

hinahanap na multo


oo, ikaw. hinahanap-hanap kita.


sa di maipaliwanag na dahilan, tinayp ko ang pangalan mo sa google:

Edumundo Bautista Reyes

searching...
searching...

nakakatawa pero isa lang ang tumugma sa ilang daang pahinang nakaladlad sa aking harapan. Sa wakas, doctor ka na (2006 board exam) - kung alam ko lang, nag attend sana ako sa oath taking ng kapatid ko na kasabay mong nanumpa. Tinamad ata ako nung araw na yun at ayaw din ng kapatid ko ng maraming etchos.

Pagkakataon nga naman, sa tagal ng panahong dumaan sa pagitan ng huli nating pagkikita eh bigla kitang hinanap. Hindi ko ito sinulat para magpaka-emo sa nakaraang matagal ko nang ibinaon sa limot; walang balikan, walang sama ng loob. Malamang ay kinasal ka na dun sa babaeng pinalit mo sa akin (dapat lang ano, saksi akong buhay sa panloloko mo sa kanya nung nagsisimula pa lang kayo). Gusto ko lang sigurong kamustahin ka, ganun lang kasimple.

Ano ba ang masasabi ko sa lalakeng first love ko, ang lalakeng nagmulat sa akin sa mundo ng miserableng pakikipagrelasyon. Ewan, siguro nagpapasalamat ako na hindi tayo nagkatuluyan hehehe. Pero nandito na rin lang ako sa usapang nakaraan, lulubusin ko na lang since 1% chance ang pag-asa kong mabasa mo to or may makakita sa iyo at sabihin na bigla kitang naalala.Di naman ako tutulungan ng mga pinsan ko (mga lalake) at ayaw na ayaw nila sa iyo hahaha.

Tandang-tanda ko pa ung araw na naghiwalay tayo. Pagkauwi mo, sabi mo may pag-uusapan tayong importante. Nakangiti lang ako as usual at naghintay ako na magpalit ka. Pumasok ka, hinawakan ang aking kamay at diretso mong nasabi na kailangan na nating maghiwalay. Sinabi mong mahal mo ako pero bata pa tayo (16 pa lang ako, 17 ka na - uh buwan lang kasi pagitan natin) at gusto mo pang makaranas na lumigaw ng iba. Kasama na dun ang kwentong pinagpipilitan mong mahal mo ako pero eto ang gusto mong mangyari, kesyo high school pa lang tayo ay crush mo na ako kaya ka lagi na sa classroom ko (hmf, ung crush mo nung hs ung taga kabilang classroom namin eh) at ang pinakamatindi mong binitawan na salita ay ang babalikan mo din ako balang araw.

Sa totoo lang, dahil sa sinabi mong yan, naging mailap ako sa mga manliligaw ko. Pinanood lang kita na mambabae ng mambabae kahit sinagot ka na ng babaeng pinagpalit mo sa akin - isang matangkad, mestisa, mayaman at hmm...super girly girl. Ewan ko kung nagsuffer ka din sa katotohanang magkasama tayo sa iisang boarding house na hindi kita kinakausap, iniiwasan ka tuwing nakauwi ka na. ang mga panahong nananadya akong nauwi ng gabing-gabi, lasing at andun ka naghihintay sa baba para pagbuksan ako ng pintuan ng nakasimangot. Weird pero nagpapasalamat ako na dahil naghiwalay tayo, natutunan kong tumayo sa aking sariling mga paa, magbarkada, uminom at maappreciate ang golden age ng Filipino bands. Nawala ako ng halos dalawang taon nung pumunta ako ng Australia tapos paguwi ko ay lumipat ako sa boarding house ng isa ko pang pinsan. Bumalik na lang ulit ako sa boarding house natin (kasi pinsan ko rin may-ari) after malaman ng magulang ko na may bf ako at nagpatuloy pa rin ang aking cold treatment sa iyo. For the first time nung panahon na iyon, nagharap kami ng babaeng pinalit mo sa akin. Kapal ng mukha niyang simangutan ako at bagsakan ng pintuan pagkatapat ko sa kwarto mo. Haler, ako pa nga dapat ang magalit. Pero di bale, tinapatan ko din naman kayo at araw-araw nandun ang bf ko (ang lalakeng hindi nga babaero pero pinagod lang ako after 9 years kaya naghiwalay din kami) na selos na selos sa iyo.. hahaha. Andun din ang panahon na alam ko na gusto mo akong makausap pero hindi kita pinagbigyan. By that time, 4 na taon na kitang hindi iniimikan though nagagawa ko naman ngitian ka kahit papaano at nasabay na rin akong kumain pag nagkataon.

Nga pala...nabasa mo ba ung sulat ko sa iyo nung time na dun pa ako sa kabilang boarding house nakatira? Inipit ko siya sa notebook mo, ung sulat na sinabi kong hindi na ako maghihintay na balikan mo ako at inamin kong wala akong lakas na loob na kausapin ka. 2 years na tayong hiwalay nun at wala pa rin akong bf hahaha. Gee, okay lang naman un sa akin actually. Nagenjoy naman ako na pinapaligiran ako ng mga barkadang lalake na hindi ako maligawan at hanggang kanta na lang sila ng "pare ko" ng eraserheads - isa siguro sa kinabuwisitan mo nung naghiwalay tayo. Wala akong magagawa eh, mas gusto ko ang company ng mga lalake kesa sa mga babae. Kwela, hindi pinaguusapan ang mga emoshet ng mga crush crush, lagi akong nalilibre at bitbit sa mga bar, show, basketball games ng uaap, etc. Anyway, yun ang huling attempt ko na tapusin ko ang kahibangan ko na magkakabalikan tayo. Sinulat ko siya na may luha at kirot sa puso.

Isa na rin siguro sa mga dahilan kaya kita naaalala ay dahil natapat ako sa isang katulad mo...isang multo. un lang, hindi naman niya ako minahal though pareho lang halos ang inyong dahilan kaya niya ako iniwan pero ibang kwento naman yun at ayokong pagusapan haha. Maybe after 10 years pa.

So kamusta ka na kaya ngayon? Ang corny mo naman, walang friendster, walang facebook. kasal ka na ba? Ilan na anak mo? Hindi ko alam kung dala lang to ng pagsisising hindi kita pinagbigyan na magkaayos tayo at kahit papaano ay maging magkaibigan sana tayo. Last kitang nakita ay 1997, at sa wakas, kinausap kita. Yun na siguro ang pinakamahabang limang minuto ng buhay ko nung panahong iyon.

Hindi kita makakalimutan habang ako ay nabubuhay at lagi kitang maaalala na may ngiti - siyempre, ikaw ang first love ko. Sa bawat biglang amoy ko ng pabangong "farenheit", sa mga kamukha mong makakasalubong ko - naaalala kita. Mapait man nung una pero totoo ang sinasabi nila, tatawa ka na lang pagkalipas ng ilang taon...un nga lang, hindi ko maipaliwanag kung bakit naluluha ako sa pagsulat neto.

Teka, nasaan ka na ba?

- thanks to Dervy for taking the time to read through the blog and editing it.